Huwebes, Oktubre 20, 2011

mapulang kwento

scene 1. nasa palengke si aling lukring kasama ang anak na si betty. 

"uy anak o ang ganda ng bra, kulay red! at may lace lace pa, naku gusto kong bilhin to. kinse kada tumpok"
...
...
...
"anak bagay ba sa akin? anak? anak? tumingin ka sa akin, o di ba bagay? swak na swak" 
...
...
...
"anak wag mong sasabihin sa tatay mong bumili tayo ng bago kong bra ha, naku magagalit yun! binawasan ko yong pambili ng pagkain ng manok nya" 

tumango lang ang pobreng bata habang subo subo ang kulay violet na lollipop na pinupunas sa kanyang labi para gawing lipstick.

scene 2. sa pepetsuging mall. itago na lang nating sa pangalan llanas. 

"naku anak ang ganda nung blouse na kulay pula oh. ang ganda ganda tignan! bagay na bagay sa akin yan"
...
...
...
300 po.
250 na lang.
di po pwede eh.
260? baka pwede.
di po talaga pwede eh hangang 300 lang po talaga.
sige 280 kunin ko! 
sige 290 bibigay ko sayo!
...
...
...
"naku anak wag mong sasabihin sa tatay mong bumili ako ng bagong blouse ha. di bale ibibi na lang kita ulit ng bagong panty. gusto mo ba nung may drowing na dora?" 

tumango lang ang pobreng bata habang subo subo ang kulay violet na lollipop na pinupunas sa kanyang labi para gawing lipstick.

scene 3. sa isang ukay ukay shop.

"anak hawakan mo nga tong pinamili kong saging. titingnan ko lang tong red na sandal."
...
...
...
"anak bagay di ba? 5 inches heel yan anak. ang ganda ganda! kukunin ko to anak, kukunin ko to!"
...
...
...
tumango lang ang pobreng bata habang subo subo ang kulay violet na lollipop na pinupunas sa kanyang labi para gawing lipstick.

scene 4. sa loob ng bus.

" anak tingnan mo yong kulay pulang skinny jeans nung ali oh. ang ganda ganda di ba? saan kaya ako makakakita nyan? halika daan tayo ng cubao farmers"

tumango lang ang pobreng bata habang subo subo ang kulay violet na lollipop na pinupunas sa kanyang labi para gawing lipstick.

scene 5. sa cubao farmers.

"ale magkano yang red skinny jeans na yan?"
"ha? pwede bang 250 na lang?"
"wala nang tawad kahit pa tumuwad tuwad ako?"
"ganun? sige kunin ko ng 230"
...
...
...
"anak hawakan mo nga tong supot ng dalanghita."
"anak hindi ba masyadong masikip tignan?"
"naku anak sya nga pala wag mong sasabihin sa tatay mong bumili ako ng bagong pantalon ha? magagalit yun"

tumango lang ang pobreng bata habang subo subo ang kulay violet na lollipop na pinupunas sa kanyang labi para gawing lipstick.

scene 6. sa palengke.

"'nak lika try mo tong red headband"
" o di ba? ang ganda ganda? bagay na bagay sa yo anak"
"magkano?"
"sampu?? pwede bang limampiso na lang?"
"hala di na mabiro, sige na kukunin ko na lang ng sampung piso bigyan mo ako ng dalawa,yong puti at pula"

...
...
...
" o anak sayo tong puti sa akin ang pula. wag mo sasabihin sa tatay mong bumili ako para sa akin ha, sabihin mo sayo lang to."
" o halika na, suot na natin tong headband! ay potah! ang ganda ganda talaga! lika na anak!"

tumango lang ang pobreng bata habang subo subo ang kulay violet na lollipop na pinupunas sa kanyang labi para gawing lipstick.

scene 7. sa hbc. home of beauty exclusives.
...
...
"anak sasaglit lang tayo dyan sa hbc, may titignan lang ako"
"nakuuu anaaak ito nga yon. ito yong gamit na lipistik ni aleng marta, gustong gusto ko ang pagkakapula"
"anak bagay na bagay sa akin to di ba? bagay sa kisabol lips ko anak, bagaayyyy!"
...
...
"anak wag mong sasabihin sa tatay mo na bumili ako ng lipistik na bago ha. magagalit yun!"

tumango lang ang pobreng bata habang subo subo ang kulay violet na lollipop na pinupunas sa kanyang labi para gawing lipstick.


scene 2A. eksene ni roy, asawa ni aling lukring. araw ng linggo, sa bahay lang at may kinukumpuni sa kabilang kwarto.

pok! pok! pok! 

pok! pok! pok! 

umiling lang ang pobreng bata saka sinubo ang kulay pulang lollipop.

scene 2B. eksena ni betty, yong bata. 

pok! pok! pok! 

pok! pok! pok!

"ang ingay naman ni tatay. kanina pa nya minamartilyo yong sahig naming kahoy"

umiling lang ang pobreng bata saka sinubo ang kulay pulang lollipop.

scene 3. paakyat ng hagdan si betty para silipin si roy na kasalukuyang abala sa ginagawa.

bubuksan ni betty ang pinto. lalangitngit ang kalumaang pinto na gawa sa tabla ng acacia. isusubo ni betty ang hawak na lollipop para sa pagbukas ng pinto.

...
...
...
scene 4. eksena ni roy at betty. ang rebelasyon. 
makikita ni betty si roy. suot suot ang pulang blouse, ang red skinny jeans, at nakalipistik din ng pula, maging ang pulang headband di nakaligtas sa kanyang ama, at habang naglalakad lakad sa gilid ng kama suot suot din pala ang pulang sandalyas kaya nagbibigay to ng kakaibang tunog sa sahig na animoy namumukpok ng pako. pok! pok! pok!
...
...
...
magugulat si roy. gayun din si betty sa kinatatayuan. 

"naku anak wag na wag mong sasabihin sa nanay mo na pinakialaman ko ang gamit nya ha"

umiling lang ang pobreng bata saka sinubo ang kulay pulang lollipop.



end.

Lunes, Oktubre 17, 2011

matabil

nagtitimpla ng juice si manang para sa meryenda ni letlet. and out of the blue nagsalita ang matabil na bata...

"mamaaa...dagdagan mo ng tubig yong juice! masyadong saturated kaya matamis."

nagkatinginan kami ni manang, saka ako nagkamot ng ulo. di ko alam kung saan saan nya napupulot yong mga pinagsasabi nya.

7 years old? come on!

Martes, Oktubre 11, 2011

hindi ba pwedeng?

maaga akong umuwi kahapon. masakit yong ulo ko at nanunuot yong katamaran ko sa buto buto ko. hindi ko alam kung sinusunmpong na naman yong altapresyon ko o talagang sa mga oras na yon e nagliliparan yong laman ng ulo ko.

nadatnan ko sina manang at letlet na gumagawa ng asaynment. may komosyong nagaganap.

"magdodrowing daw po kami ng four-legged animal mama!"

"tapos mo na ba?"

"opo! kinukulayan ko na nga e!"

"sige anak titingnan ko mamaya tatapusin ko lang tong paglilinis ng banyo"

ilang sandali pa.

"maaaaaa! asan yong gray na krayola ko?"

"tingnan mo sa mesa may nakita akong krayola dun"

"nakitaaaaaa ko na!"

"teka ano ba yang hayop na drinowing mo?"

"hippo ma!"

"nu naman yun?"

"hippo mama! hippopotamus!"

"ay leche ano ba yan?"

"picture mo ma! juk juk!"

makalipas ang ilang sandali.

"maaaaa! lagyan mo na ng label, sulatan mo na ng pangalan dito sa papel"

"ano bang hayop yan?"

"hippo nga."

"hipopotamos?"

"opo ma"

"naku anak mahirap yong spelling nun hindi ba pwedeng cow na lang?"

BUWAHAHAHAHAHA.

Linggo, Oktubre 9, 2011

define harassment

Oct. 09. Sunday. 7pm.

may bespidida party na dadaluhan ang inyong lingkod. ura-urada lang. yong tipong hihilahin ka na lang kasi kulang ng guest at sayang naman yong food kaya ikaw ang napili ng magaling mong boss. at dahil sa wala naman akong ginagawa nung tumawag sya e umo-oo na lang ako.

magsuot daw ako ng pormal. putang ina sa lahat ng bespidida party e bakit may kelangang magcomply sa attire? hindi ba pwedeng jeans at tshirt na lang. wala akong choice. maarte yong boss ko kaya pinili ko na lang sundin yong utos nya.

habang nasa byahe ako tumawag sya. mauna na daw ako at dadaanan daw nya si luchi  sandali. okey..okey.. okey... yun lang ang nasabi ko.

imperness sa edsa, sa mga ganitong oras e akala ko heavy traffic. pinagpala ata ako at maluwang ang kalsada kasing luwang ng bunganga ni luchi, kaya naman madali kong narating ang hotel kung saan pagdadausan yong party.

suot ko ang puting polo, black pants at black shoes saka muling tumingin sa salamin, tiningnan ang ayos ng buhok..okey! panalo! ayos na ayos to. sana madaming chiks. lumabas na ako ng cr, oooops dapat pala eh wash room daw ang tawag for formality ang appropriateness. ewan!

paglabas na paglabas ko...isang babaeng nakapulang dress ang pumukaw ng aking atensyon. mga nasa early 20's. seksi. maputi. mala-anne curtis. nagkatinginan kami. ngumiti ako at ganun din sya. hawak nya ang isang kopetang may alak. alam mo yong tagpong parang ang buong paligid e sa amin lang, yong parang humihinto ang lahat ng pangyayari at kami lang pareho ang remarkable sa mismong tagpong yun. yong feeling na parang sya lang at ako tapos hinahangin hangin pa yong buhok nya at ako naman e unti unting palapit sa kanya dala ang makamandag na ngiti. yon! yong ganung feeling. sa edad kong to hindi ko maitatangging kinilig ang betlogs ko. siguro ganun din sya kasi ramdam ko sa kanyang mga ngiting maalindog.

unti-unti akong lumalapit sa pinakaroroonan nya. malamig sa pakiramdam at animoy nasa isang paraiso kami pareho. ako si adan ay sya si eba. tapos yong boss ko yong ahas. hahaha. anyway, ganun nga yong pakiramdam ko. napakagandang babae nya. hindi maitatangging dyosa sya sa aking paningin.

biglang bumilis ang mga pangyayari. fast forward. lumapit ako sa kanya. ngumiti lang sya. at nagwikang...

"waiter! can you bring an extra glass over here!"

pak! as in pak! para akong nabuhusan ng malamig na tubig. pumaitaas yong dugo ko. naramdaman ko yong init ng aking katawan. literal na init.

shit! napagkamalan akong waiter sa suot ko! putang ina! putang ina!( sa isip isip ko.) akala ko gusto na akong kausapin yun pala uutasan lang din! putang inaaaaaaa! (sa isip isip ko)

ngumiti lang ako. saka tumalikod. hindi ko alam kung tama yong ginawa ko pero kung mali man yon, kwits lang.

saktong pagtalikod ko nang masilayan ko yong ahas este yong boss ko kasama yong isang linta---si luchi. agad akong lumapit.

"ay sir poldo bakit ganyan ang suot mo... walang pinagkaiba sa suot ng mga waiters (sabay turo sa kanila). walang ka-disti-distinction! hahahahaha" panlalait nya sabay tawa.

at biglang nagshrink yong confidence level ko.

Sabado, Oktubre 8, 2011

smile

"bahala ka na dyan sa kusina" tanging yun lang ang nasambit ko para otomatikong maintindihan ni manang kung anong ibig sabihin ko. at sa mga ganung klase ng litanya alam kong naintindihan na nya. sya na ang bahalang magluto ng ulam nang ayon sa kung anong meron at sa kung anong kaya nya.

kinuha ko si manang bilang tagapaglaba. hindi para sa kusina. ang totoo nyan e dapat katulong ( verb ito. tagapagbigay ng tulong.) ko sya sa paglalaba at hindi kusinera. responsibilidad ko ang sarili kong pagkain. ako ang magluluto, in short akong bahala sa pagkain ko...yun ang napagkasunduan namin dati. pero dahil may anak syang balahura este makulit e nagpapaluto na lang ako at sabay na lang kaming kumakain ni letlet, sunod si manang.

punyeta ang habang intro!

ganito yon. wala ako sa mood para kumain. so sabi ko bahala na sya kung anong iluto nya. pumasok lang ako sa kwarto ko para manood ng tv. hindi po porn. hindi po porn. hindi po porn. hindi po porn. hindi po po--. hindi po--- hindi--. hin--. (repeat until it fades)

kumuha lang ako kanina ng biskwit at orange juice saka pumasok sa kwarto.

siguro habang naglalaba sya e iniisip na rin nya kung anong lulutin nya. at eto na nga.

hindi ako maarte. sasabihin ko na hindi ako maarte. alam mo yong omelet na ampalaya, may konting kamatis at itlog...syempre omelet nga di ba? yun yong niluto nya. okey ako sa kamatis. okey din ako sa itlog. ang hindi lang kayang arukin ng taste buds ko e yong ampalaya. lalo na kung masyadong mapait. ewan ko ba, hindi para sa akin ang bitter lalo na ang mga taong bitter.hindi gulay sa akin ang ampalaya kundi deadly weapon,hahaha---yun ang arte.

ang hindi pag kain ng ampalaya ay hindi kaartehan, bilang paglilinaw. kasi may pagkain naman na kinaaayawan mo o di-kinahihiligan na pwedeng gusto ng panlasa ko. tama? trip trip lang, in short.

pagsapit ng tanghalian...ummm nito-nito lang. kita ko sa lamesa ang niluto nya. kung tutuusin marami akong pwede ulamin pero nakakahiya naman kung babalewalain ko yong effort ng taon. saka isa pa, nasa recession ang buong kabahayan. mahal ang gulay ngayon. at naghihikahos na din ako. kaya konting pagtitipid. kita ko agad yong ampalaya sa mesa, ume-smile pa.

so ano pa nga ba ang gagawin ko. pilit kong inihihiwalay yong itlog sa ampalaya. at nung sinubukan ko nang kainin yong buong putahe. putang ina on its highest exponential value,all the way to heaven...ang paiiiiiit! uminom agad ako ng orange juice pero mas lalong pumait. putang ina ulit!

kung andun lang siguro si vincent van gogh hindi nya maipipinta yong mukha ko. kahit ilang buhos ng patak ng maggi savor e hindi malibsan yong lasa ng ampalaya. may aftertaste pa.

pumasok si mamang sa kusina. may tabo pa sa ulo.

"ano ser... masarap ba? hapkok yan para masustansya" bungad nya.

kaya naman pala. kelan pa hinahalf-cook ang ampalaya? buwisittttttttttttt!

smile lang ako. yong smile na punumpuno ng kabitteran sa mundo.

Biyernes, Oktubre 7, 2011

palitan, ayoko?

yong feeling na...

pinaghirapan mong gawin yong baon mo. yong pagkakahimay ng bawat ingredients, at sundin yong komplikadong paraan ng recipe pero meron at meron kang kaopisinang nuknukan ng kapal ng kalyo di lang sa talampakan kundi pati ang mukha na gustong makipagtrade sa yo ng baon. yong sa kanya nilagang itlog at hotdog. yong sa yo caesar salad , ham and cheese sandwich at may kasamang pangsoup (pot-au-feu de la mer ), saka pala zest-o.

pero sya tong mapilit at hindi makaramdam sa salitang..."pinaghirapan ko yang gawin".  na hindi kayang i-decode ng kanyang utak sa simpleng salitang...AYOKO!

aanhin ko ang itlog at hotdog kung meron naman ako.

Huwebes, Oktubre 6, 2011

when she talks like a jagger

"uy bago na naman cellphone mo? ang yaman mo naman! para saan ba at marami kang phone para magkaboybren? hahahaha!" sabi nung bitch kong kaopisina sa isa ko pang bitch na officemate.

tahimik lang yong pinagsabihan. at patuloy lang sa pagbusisi sa cellphone yong mapang-asar kong bitch officemate.

....
....
....

blah. blah. blah.

blah. blah. blah...

"ang yaman mo talaga! kaso kulang ka nga lang ganda! gusto mo maging frend ko?" patuloy na pang-aasar pa nung isa.

"frend? ummm... sure!!! para naman magkaroon ako ng kaibigan mahirap at feelingera" sumbat sa mukha sa mapang-asar kong officemate.

sabog! hahahaha. natatawa ako habang naririnig ko sila sa kabilang cubicle. may naaamoy na akong cold war.  yong pwedeng i-blog na mahahaba-habang episode. haha

Martes, Oktubre 4, 2011

konting usog pa ho

madaling madali ako kanina papauwi kasi babagsak na naman yong ulan. wala akong dalang payong.sakto namang may jeep na daraan. sumakay agad ako kahit pa fx pa yong madalas kong sakyan okey na rin yong jeep para madali akong makakauwi sa bahay, yun nga lang mainit kasi siksikan ng husto.

buti na lang meron pang natitirang espasyo sa malaki kong puwitan. maayos na ang upo, sa lagay na yon. mga ilang metro lang ang itinakbo ng jeep nang muling huminto. mga sampung metro siguro. hinintuan yong babaeng sasakay, may dalang malaking payong at bag na malaki din, naglayas ata. nasa late 20's na yong babae sa tantya ko. mestisahin pero may pagkakulot ang buhok. singkit. not my type. saka may laman ang tyan. baka nagpacheck-up kasi may malapit na ob-gyny kaming nadaan bago pa man sya makasakay.

sakto namang yong sa tabi ko upuan ang bakante so doon sya uupo. kaso sa liit ng siwang para sa pag-uupuan nya eh sa tingin ko hindi sya magkakasya.

"konting usog lang po at may buntis na uupo" sabi ko. tinginan sa akin yong mga pasahero lalo na yong tinutukoy kong umusog ng konti.

"manong hindi po ako buntis chubby lang po ako" sabi ng babaeng sasakay.

at doon muling dumagdag ang hiya ko sa sarili. bwisit.

master bait

sabi ni Sen. Enrile...

“And the question that bothers me is… Is the sperm alive? Is the ovum of the woman alive? I have consulted doctors and the answer is yes.


The sperm of a man cannot fertilize any egg, not the egg of a whale, or a lizard, or a bird, or a fish, but only the egg of a woman. And neither can the egg of a woman be fertilized by any other sperm except the sperm of a man, so that these two elements must be together to create life. But each one of them has life. There is no question about that because they have mobility: They move; they develop.”

nakapagtataka lang na sa mga ganitong klase ng tao sila pa yong may makitid na pag-iisip. kung pagbabasehan ang konstitusyon ng pilipinas nasa Article II section 12 at Article II section 06 na nagbibigay ng conteksto sa separation ng church at goverment. correct me if im wrong. pero sa aking pagkakaintindi hindi pwedeng magkaintervene ang simbahan sa gobyerno pero sa kalagayan natin ngayon mukhang di nasusunod. kung ano yong pananaw mo bilang kasapi o miyembro ng simbahan wag naman sanang idikdik yong idoloheyihang yun sa gobyerno. i know may impact ang faith pero sa ganitong klase ng usapin konting lawak pa. yong kasing lawak ng nasalanta ng bagyong pedring at quiel.

kung ang pagma-masturbate e masasabing abortion, naku naman halos lahat na rin siguro ng mga kalalakihan e guilty sa abortion. ayun sa pagkakanta ko sa bio genetics ko dati noong nag-aaral pa ako ang sperm ng lalaki ay nabubuhay lang sa maikling panahon ang pagkakantanda ko e nasa 24-48 hours (without ovulation) kaya magkagayunpaman kelangan irelease yong mga namatay nang sperm sa katawan ng lalaki para mapalitan ng mas matibay at mas malakas pang sperms.

atsaka kung abortion ang masturbation what about menstruation?

saka sa mga ganitong klase ng usapin siguro unahin muna nilang asikasuhin yong korapsyon sa pilipinas. matindi na kasi e. yun lang.

Lunes, Oktubre 3, 2011

porque

mag aalas-nuebe na nun ng gabi. punumpuno ang isang fx na kaslukuyang nilalakbay ang kahabaan ng isang madilim na daan sa gitna ng bumabagyong panahon, si pedring. malakas ang ulan. at sa sobrang lakas na sinabayan pa ng malamig na buga ng hangin na nagmumula sa erkon ng fx ay naghahatid ito ng di magandang kalamigan sa katawan ng bawat pasahero. tahimik akong nakikinig sa radyo nang may marinig akong nagsalita sa gawing likuran ng fx.isang babaeng may kausap sa telepono.

"alam mo mare yong anak ni kuya kanor, yong kapitbahay natin...potah bakla pala!"
...
"oo mare, nalaman ni mang kanor na bading ang anak nya kaya pinalayas!"
...
"di ko nga alam e pero matagal na.sayang ke-guapo guapong bata e bakla"
...
"oo nga e. sayang ang kaguapuhan kung sa kabaklaan din lang mapupunta"
...
"malay ko.pero yun nga ang nangyari. nahuli.tapos pinalayas saka...---helloooo mare? hello? hello? hell-oo? hello andyan ka pa ba, hello? hello?" tooot... tooot...tooot.
...

at sa loob lang ng maikling segundo merong isang lalaki ang nagsalita naman sa unahan.

"oo bakla yong anak ni mang kanor. oo matagal na ring bakla yon mula nung pagkabata pa lang."
 ---
"tama ka guapo yong anak ni mang kanor pero hindi porket guapo e hindi na pwedeng maging bakla. at hindi rin nangangahulugang bakla e panget na...diskriminasyon po yang sinasabi nyo"
---
"...at hindi porket bakla e wala nang karapatang gumawa ng tamang desisyon. mali yang narinig nyong pinalayas ako ng tatay ko. nagdesisyon lang akong umalis para maging stable ang lahat. at oo, tama po ang iniisip nyo ako si joel, yong anak ni mang kanor at ikaw po si ate momay yong dakilang tsismosa sa kanto ng arellano."



nakagiginaw na katahimikan.